
Masayang sinalubong ng mga mag-aaral ng Pines City Colleges (PCC) SHS ang Buwan ng Wikang Pambansa sa kanilang paaralan sa pamamagitan ng samu’t saring aktibidad na pinangungunahan ng mga opisyal ng Performance and Arts Club (PAC) Officers noong Agosto 29.
Kaugnay ng temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”, Idinaos ang iba’t ibang akditbidad kung saan tampok ang mga masining at malikhaing paligsahan gaya ng Pagsulat ng Tula, Paggawa ng Poster, Tagisan ng Talino, Paggawa ng bidyo at Sabayang Pagbigkas kung saan naipamalas ng mga mag-aaral ang kanilang mga talento.
Ang programa ay sinimulan sa pamamagitan ng isang taimtim na panalangin na pinangunahan ni Sharmaine Palangdao ng Baitang 12. Naghatid ng pambungad na mensahe si Binibining Janice Patacsil kung saan kanyang binigyang diin ang kahalagahan ng wikang pambansa.
Masiglang sinimulan ng mga tagapangasiwa ns seremonya na sina Duke Caballero at Burnn Albana ang programa sa pag anunsyo ng mga susunod na gawain. Hindi rin nagpahuli ang mga miyembro ng PAC na naghandog ng masiglang intermission dance bago isinagawa ang tagisan ng talino. Sa naturang patimpalak, itinanghal na kampeon si Jezelle Canite, pumangalawa si Jheriel Forondo at pangatlo si Rachelle Calubat.


Nagsimula ang labanan ng Sabayang Pagbigkas na puno ng husay at dedikasyon, kung saan ang bawat grupo ay nagpakita ng kahalagahan ng wikang pambansa sa kanilang mga pagtatanghal. Mula sa makukulay na kasuotan at mga maayos na kagamitan, makikita ang kanilang taos-pusong paghahanda. Ang baitang 11 ang itinanghal na nagwagi sa naturang patimpalak.
Kabilang din sa mga patimpalak ang paggawa ng bidyo tungkol sa kahalagahan at kasaysayan ng wika na kung saan ipinamalas ng mga mag-aaral ang kanilang galing sa pag-eedit ng bidyo. Ipinanood sa lahat ang kanilang mga likha na nagbibigay diin sa kahalagahan ng ating wika. Sa Itinanghal na nagwagi sina Crystel Esden, Glyneeze Lopez at Sharmaine Palangdao ng baitang 12.
Nauna mang isinagawa ang ilang aktibidad tulad ng Paggawa ng Poster at Pagsulat ng Tula ay hindi ito nakaligtaan sa pagbibigay ng parangal. Sa Paggawa ng Poster, naipakita ng mga kalahok ang kanilang husay sa sining sa pamamagitan ng pagguhit at pagpinta na sumasalamin sa kahalagahan ng wika at kanilang pagiging malikhain. Sa naturang patimpalak, nagkamit ng unang gantimpala sina Yohan Escano at Shanelle Polig ng baitang 11, sumunod sina Christyne Vhaey Becka at Eisicadeimi Carinio, at sina Jheriel Foronda at Rianne Ramones mula sa baitang 12.


Sa kategorya ng Pagsulat ng Tula, ipinamalas ng mga kalahok ang kanilang malikhaing kakayahan sa paggamit ng salita upang maipahayag ang kanilang mga saloobin at ang kahalagahan ng wika. Nagwagi ng unang gantimpala si Sharmain Palangdao na baitang 12, habang pumangalawa at pumapangatlo sina Keisha Ramos at Julie Ann Aplod ng baitang 11.
Bago tuluyang magsara ang programa, nag-iwan ng pangwakas na mensahe si Bb. Evelyn P. Dulatre, SHS Coordinator. Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng patuloy na paggamit at pagpapahalaga sa Wikang Pambansa, hindi lamang sa paaralan kundi maging sa pang-araw-araw na buhay. Naging paalala rin ang kaniyang mga salita na ang wika ay isa sa pinakamahalagang yaman ng ating kultura at pagkakakilanlan. Sa ganitong paraan, naging makabuluhan ang pagtatapos ng selebrasyon ng Buwan ng Wika. #Krystal Dayrit (SHS)